Mukhang Perya

Hindi ko sinasabing madaming bulag na panatiko sa social media, pero parang ganun na nga.

Wala pa namang sense makipagpalitan ng opinyon kasi kahit anong tino ng sabihin mo, ang isasagot agad sa ‘yo eh, “mga dilawan talaga bobo”, “mga DDS talaga tanga”.

Akala mo wala man lang nakaisip sa kanila na pwede naman sumang-ayon pag may ginawang tama, AT tumutol pag may ginawang mali. Ang gusto yata, all or nothing na allegiance.

Nakakawalang gana maging Pilipino kung puro naman mga talangka ang nasa paligid mo. At ang masahol pa, kanya kanya sila sa paniniwala na sila lang ang nasa tama. Walang gustong umamin na minsan silang nagkamali. Mas madali pa sa kanila ang siraan ang pagkatao ng tingin nilang kaaway nila, at ipamukha sa lahat na mas nakakalamang sila.

Walang gusto umamin na hindi perpekto yung mahal nilang kandidato. Na mas pipiliin pa nilang mag bulag-bulagan kahit kita naman na may pagkukulang yung idolo nila. Mamamangha ka na lang dahil lahat ng palusot eh idadahilan para lang mapagtakpan ang umaalingasaw na kabulukan.

May linya dati sa pelikulang Ang Tanging Ina N’yong Lahat: Last Na ‘To! na tumatak sa ‘kin. Eto yung sinabi ni Ina nung narinig n’yang magkabati na at nag-uusap ng magiliw ang kanyang mga anak matapos makipag rambulan sa mga taong kanina lang eh hinamak-hamak ang pamilya nila:

Nakakatuwa naman yung mga bata. Kahit bangayan ng bangayan, kapag meron isang naapi, ay magkukuyog sa kalaban para ipagtanggol ang isa’t isa.

Nitong huli lang, nakita ko na naman yung kabaliktaran ng linyang yan. Ilang araw pa lang ang nagdaan nang naibalita na di umano’y binangga ng barko ng Tsina ang bangka na naglalaman ng mga mangingisdang Pinoy. Kaso sa halip na magkaisa para ipagtanggol ang isa’t isa, nagkawatak-watak at nag kanya-kanyang grupo agad ang mga Pinoy. Mismong sa bibig ng Pilipino mo maririnig ang mga paratang na gaya ng “mukhang luto lang yung nangyari”, “isali kaya natin sa swimming team yung mga fishermen”, “pumapapel na naman si Leni”, “Duterte tuta ng Tsina”, “Digong duwag”, “nagkabayaran na yan”, at kung anu-ano pang masasakit na salita. Watak-watak ang kamalayan ng Pilipino. Akala mo hindi nag gunita kamakailan lang ng Araw ng Kalayaan.

Marami sa social media ang kung makapagsalita, akala mo nandoon sila mismo sa gitna ng kaganapan, samantalang kalahati naman ng pinagpo-post nila eh kung hindi pambibintang, panglalait, patawa, tsismis, eh halo ng apat na ‘to. At marami din ang wala namang balak mag-ambag ng matinong opinyon sa usapan. Gusto lang talaga nilang mag-ingay.

Nakakahiyang nakakairita.

-The Wasted Wanderer

What did you think of this entry? Comment down below!